1. Saan ako maaaring mag-apply ng koneksiyon ng tubig?
Sagot: Pumunta lamang kayo sa aming opisina na matatagpuan sa National Highway, Barangay Osias, Kabacan, Cotabato, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon (Lunes hanggang Biyernes, maliban lamang kung piyesta opisyal o deklaradong walang pasok sa opisina). Maaari rin kayong tumawag sa aming telepono bilang (064) 572-0140 at (064) 428-1259 o sa aming hotline number 09088843384 (Smart)
2. Anu-ano ang mga kinakailangang dalhin sa pag-aapply ng koneksiyon ng tubig?
Sagot:
- Valid ID, sedula;
- Patunay ng pagmamay-ari gaya ng mga sumusunod: titulo ng lupa, deed of sale, tax declaration, o certificate of occupancy. Kung kayo naman ay nangungupahan ng pwesto, dalhin lamang ang lease of contract at business permit. Kami na ang magpapakopya (photocopy) ng inyong mga dokumento. (Kami na rin ang kukuha ng inyong larawan. Wala kayong babayaran sa mga nasabing serbisyo); at
- Certificate of attendance sa orientation program para sa mga mag-aaplay ng bagong koneksyon ng tubig. (Makukuha ito mula sa Customer Service matapos ang orientation).
3. Magkano ba ang aking babayaran sa pag-aapply ng koneksiyon ng tubig?
Sagot: Kung ½ inch diameter ang akmang sukat ng inyong tubo, P2,500.00 ang halagang inyong babayaran at P3,000.00 naman kung ¾ inch diameter ang sukat, hindi pa kasali ang mga materyales na gagamitin at labor fee mula sa kwentador hanggang sa inyong bahay.
4. Ilang araw bago maikakabit ang koneksiyon ng tubig?
Sagot: May tinatawag tayong simple at complex connection. Sa simple connection, isa hanggang dalawang araw ang gugugulin para maikabit ang inyong koneksyon pagkatapos ninyong mag-file ng application, magpasa ng mga kinakailangang dokumento at magbayad ng kaukulang halaga samantalang sa complex connection, lima hanggang pitong araw pagkatapos ninyong mag-file ng application, magpasa ng mga kinakailangang dokumento at magbayad ng kaukulang halaga.
5. Ano ang karaniwan na buwanang konsumo ng tubig ng isang tipikal na sambahayan?
Sagot: Ang tipikal na sambahayan na may limang miyembro ay maaaring makagamit ng 21 cubic meters ng tubig at nagbabayad ng halagang P413.60 bawat buwan. Ang isang tao ay maaaring makagamit ng 3.5 cubic meters bawat buwan. Ang 21 cubic meters ay katumbas ng 105 na malalaking drum o 21,000 na litro ng tubig.
6. Bakit po may mga pagkakataong hindi naibibigay ang mga sentimo sa aming sukli kung kami ay nagbabayad ng aming water bill?
Sagot: May mga pagkakataong walang mga sentimo kung kaya’t hindi maibigay ng aming teller nang buo ang inyong sukli. Gayunpaman, ang mga naiwang sukli gaya ng mga sentimo ay ginagawang advanced payment o paunang bayad sa susunod ninyong bill. Anumang sukling maiiwan ay ibabawas namin sa inyong bayarin sa susunod na billing period.
7. Saan nanggagaling ang supply ng tubig ng water district?
Sagot: Ang tubig na sinusuplay ng KWD ay groundwater o tubig na mula sa ilalim ng lupa na may lalim na 100 metro. Ang groundwater ay kinukuha sa pamamagitan ng mga water pumps na may kakayahang maglabas ng tubig papunta sa mga reservoirs o imbakan. Ang mga water pumps na ito ay matatagpuan sa mga Pump Stations (PS) ng KWD: (1) PS 1 – Sinamar 2 Street; (2) PS 2 – Barangay Kayaga; (3) PS 3 – LGU Kabacan Compound; (4) PS 4 – Purok 5, Barangay Katidtuan; (5) PS 5 – Barangay Osias; (6) PS 6 – Barangay Pisan; (7) PS A – Barangay Bannawag; (8) PS B – Barangay Bannawag (standby); at (9) PS Bn – Barangay Bangilan.
8. Ligtas ba ang tubig na galing sa deep well ng water district?
Sagot: Oo. Bilang patakaran, lahat ng mga deep wells ay kinakailangang may chlorinators para magdisimpekta sa tubig na nagmumula rito. Ang tubig sa deep well ay madaling makontamina kung hindi selyado ang pagkakagawa o kung ito ay malapit sa mga palikuran at septic tank. Ang karaniwang lalim ng well ay umaabot mula sa 40 hanggang 100 na metro. Dito karaniwang matatagpuan ang mga confined aquifer.
9. Pwede ba naming inumin ang tubig ng KWD?
Sagot: Oo. Ang tubig na sinusuplay ng KWD sa pamamagitan ng mga water pumps, gayundin ang tubig na iniimbak sa mga imbakan o reservoirs nito, ay ligtas at 100% na naiinom. Nagsasagawa kami ng chlorine residual test bawat oras at bacteriological test naman bawat buwan Nagsasagawa rin ng physical-chemical analysis dalawang beses kada taon. Ang mga pagsusuring ito ay ginagawa upang masiguro na ang tubig ng KWD ay ligtas inumin.
10. Bakit kung minsan cloudy ang tubig?
Sagot: Ang cloudiness ng tubig ay dulot ng milyung-milyong maliliit na air bubbles na nalulusaw dahil sa mataas na pressure. Ito ay salungat sa sinasabi ng iba na ito ay dahil sa chlorine na nasa tubig. Ang cloudiness ay nawawala kung ang tubig ay nalantad na sa kapaligiran.
11. Ligtas bang inumin ang chlorinated na tubig?
Sagot: Oo. Ang chlorine ay inilalagay sa tubig para masiguro ang kaligtasan nito mula sa mga mikrobyong gaya ng Escherichia coli o E. coli na indikasyon ng presensya ng dumi ng tao o hayop sa tubig) na nagdudulot ng masamang epekto sa ating kalusugan. Sa loob na ng 100 taon, ang chlorine ay sinasabing isa sa pinakamabisang gamit para sa pagdisimpekta ng tubig. Sa dosis ng paggamit ng chlorine, isinasaalang-alang ng KWD ang pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW). Sinusunod ng KWD ang paggamit ng ligtas na lebel ng chlorine na nasa 0.3 to 1.5mg/L residual.
12. Ligtas bang inumin ang kulay dilaw na tubig?
Sagot: Oo. Ligtas inumin ang kulay dilaw na tubig. Hindi ito magdudulot ng masamang epekto sa ating kalusugan. Ang tubig sa bayan ng Kabacan ay likas na mataas ang mineral na Iron (Fe) na kapag nagkaroon ng chemical reaction ay nagdudulot ng bahagyang pagbabago sa kulay at lasa ng tubig.
13. Bakit kung minsan kulay dilaw o itim ang lumalabas na tubig sa aming linya o gripo? Anu-ano ang mga dahilan nito? Ano ang dapat naming gawin kapag naranasan ito?
Sagot: Ang bayan ng Kabacan ay likas na may maraming Iron at Manganese batay sa mga resulta ng mga laboratory tests na isinagawa sa ating tubig. Ang Iron at Manganese ay natural na matatagpuan sa ating tubig lalo na sa groundwater. Ang dami ng mga mineral na ito sa ating tubig ay walang masamang epekto sa kalusugan ng tao, sa halip ito ay kailangan ng ating katawan. Gayunman, ang Iron at Manganese sa ating tubig ay nagdudulot ng mantsa sa ating mga damit, discoloration sa ating mga plumbing fixtures at nagbibigay ng malansang lasa ng tubig. Ang paninilaw at pangingitim ng tubig ay resulta ng chemical reaction ng tubig sa nasabing mga mineral. Upang ito ay maiwasan, ang KWD ay nagsasagawa ng regular na pagpa-flushing ng ating water system araw-araw. May filtration system na rin tayo sa lima sa ating mga pump stations. Ito ay tumutulong sa pagsasala ng ilang minerals lalung-lalo na ng mga hard metals na maaaring nasa tubig, bago pa man ito maipamahagi sa mga kunsumidores. Sa mga pagkakataong lumalabas ito sa ating mga linya o gripo, ipaalam kaagad sa aming tanggapan para mabigyan namin nang maagap na aksyon.
14. Ano ang ginagawa ng KWD para protektahan ang tubig mula sa pagkakakontaminado?
Sagot Kumukuha kami ng sampol ng tubig mula sa lahat ng baranggay. Isinasailalim namin sa pagsusuri ang bawat sampol para masiguro na ito ay ligtas inumin. Ang standard chlorination na 0.2-1 part per million (ppm) na residual ay nagpoprotekta sa mga mapaminsalang bakterya o mikrobyo na maaaring makapasok sa mga tubo kapag ito ay nasira o walang presyon o pressure na pumapasok dito. Nililinisan namin ang mga linya ng tubo para mapangalagaan ang ating kalusugan. Pinapalitan namin ang mga lumang tubo at pinapabuti at ginagawang bago ang aming water system para masiguro na mabigyan tayo ng ligtas at malinis na tubig.
15. Ipinapaalam ba ng KWD sa publiko kapag may water interruption?
Sagot: Oo. Ipinapaalam namin sa mga maaapektuhang kustomer dalawang araw bago ang water service interruption sa lugar maliban na lang kung may biglaang pagkasira ng pasilidad. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapaanunsiyo sa radyo, pagpo-post ng anunsiyo sa opisina, KWD website, KWD Facebook page, SMS o text message, rekorida, pamamahagi ng mga leaflets, atbp. Nagkakaroon ng water interruption kapag may inaayos, pagpapalit, o paglilinis ng mga linya, fire hydrant o valve, tapping o interconnection ng mga extended o na-improved o naayos na mga mainline, at nakaiskedyul na power outage o pagkawala ng kuryente.
16. Nireresolba ba ng KWD ang problema sa mababang pressure?
Sagot: Oo. Patuloy naming pinagbubuti ang aming serbisyo at mga pasilidad upang mabigyang solusyon ang problema ng kawalan ng tubig o mahinang pressure sa ating water system.
17. Bakit kinakailangang palitan ang lumang metro ng tubig?
Sagot: Pinapalitan ang lumang metro ng tubig upang maging wasto ang pagtatala at pagbabasa ng metro para masiguro na tama ang inyong binabayaran ayon sa inyong nakunsumong tubig. Sa katunayan, may 10-year water meter replacement program ang KWD kung saan ang mga metro ng tubig na umabot na ng sampung taon ay kinakailangan nang palitan.
18. Sino ang may pananagutan sa metro ng tubig kung ito ay nasira o nawala?
Sagot: Kayo, na may-ari ng metro ng tubig ang may pananagutan kapag ito ay nasira o nawala kaya kinakailangan nating pangalagaan ito. Ito ay nakasaad sa Service Connection Contract na inyong pinirmahan.
19. May programa po ba kayo para sa pagpapalit ng mga lumang tubo?
Sagot: Oo. May programa tayo para sa pagpapalit ng mga lumang tubo at ito ay tinatawag na “Standardization of Pipes”. Ginawa ang programang ito upang maiwasan ang madalas na pagkakaroon ng tagas sa tubo na siyang maaaring pasukan ng mikrobyo tuwing nagkakaroon ng negative pressure.
20. Ano ang mga sanhi at dapat gawin upang malaman ang biglaang pagtaas ng aking bayarin?
Sagot: Ito ang mga maaaring sanhi at dapat gawin upang malaman ang biglaang pagtaas ng inyong bayarin:
- Underground leak o tagas ng linya sa ilalim ng lupa – Isara ang lahat ng gripo ng tubig at tingnan kung ang meter dial ay umiikot pa rin. Kung ito ay umiikot, may tagas ang inyong tubo.
- Erroneous reading o maling basa ng metro – Ikumpara ang meter reading na nakalagay sa inyong bill at sa aktuwal na meter registration. Kung hindi magkatugma, maaaring may mali sa pag-encode ng inyong nagamit na tubig.
- Reading dates – I-check ang billing period. Ang normal na reading cycle ay 30 – 31 na araw.
- Class or rate code classification – Anumang pagbabago sa uri ng paggamit ay makakaapekto sa water rate. Tawagan lamang ang aming billing in-charge sa telepono bilang (064) 572-0140 o sa hotline 09088843384 (Smart).
21. Anu-ano ang mga dapat gawin upang malaman kung may water leak?
Sagot: Palagiang gawin ang mga sumusunod:
• Suriin ang mga gripo at pipe joint. Mas mainam kung gagawin ito sa gabi bago matulog. • Isarang mga gripo kung hindi ginagamit. • Tanggalin ang hose na ginagamit sa pagdidilig ng mga halaman mula sa gripo para mas madaling masuri kung may tagas at mapigilan ang pagpasok ng mga bulate at iba pang organismo sa in-house piping system. • Suriin din ang inyong toilet flush tank sa pamamagitan ng paglalagay ng powder dye sa tangke at tingnan kung may tumagas na tubig na may kulay sa toilet bowl. Kung meron, ibig sabihin may tagas ito. • Suriin din ang water meter dial kung umiikot pa rin ito kahit hindi na ginagamit ang mga gripo at flush tank. • Suriin din ang gate valve kung ito ay nasa maayos pang kondisyon.22. Sino ang magkukumpuni ng mga leak?
Sagot: Ang tagas ng tubig mula sa water meter papunta sa mainline at sa lahat ng mga pipeline sa mga kalye ay sagutin ng inyong water district samantalang ang tagas ng tubig galing sa water meter papunta sa loob ng bakuran o bahay ay sagutin na ng may-ari.
Hinihikayat namin ang publiko na dumulog sa aming opisina o tumawag sa aming telepono bilang (064) 572-0140, (064) 428-1259, o sa aming hotline number 09088843384 (Smart) para sa kaukulang pagkukumpuni. Bilang mamamayan, maging responsable at mapagmatyag po sana tayo. Ipagbigay-alam sa aming tanggapan sa pamamagitan ng mga nabanggit na numero kung may nakita kayong tagas ng tubo, busted fire hydrants, at mga ilegal na koneksyon sa inyong lugar. Maaari rin kayong magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng KWD Facebook page, at email sa info@kabacan-water.gov.ph. Maraming salamat.